Karakoa: Ang Tradisyonal na Bangkang Pandigma ng mga Pilipino
- museomaritimo

- 4 minutes ago
- 2 min read

Mayo 14, 2026 – Pasay City, NCR, Philippines
Ni Akira R. Ariate
Malaki ang naging gampanin ng bangka sa mga Pilipino noon. Ito ang pangunahing ginagamit ng ating mga ninuno sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at pangangailangan. Balangay ang isa sa sinaunang uri ng bangka na ginamit ng mga Pilipino bago pa dumating ang mga mananakop sa Pilipinas. Ginagamit ang balangay ng ating mga ninuno sa kanilang hanapbuhay, pakikipagkalakalan, pakikipag-ugnayan, transportasyon, at paglalakbay.
Bukod sa balangay, mayroon pang isang uri ng bangka na ginagamit noon ang mga Pilipino na napakalaki ng kahalagahan sa kanila noon, at sa ating kasaysayan ngayon.
Karakoa ang isa pang uri ng bangka na ginamit ng mga Pilipino noon. Ang karakoa ay ginagamit sa pakikipaglaban, kaibahan sa balangay na ginagamit sa kanilang mga pangangailangan. Mayroon din ganitong uri ng bangka sa karatig bayan natin na hango ang pangalan sa karakoa, tulad sa Indonesia na mayroon silang kora-kora.
Ang karakoa ay mas mahaba at mas makitid kumpara sa balangay. Ito ay mabilis at kayang magsakay ng maraming mandirigma na aabot sa 100-200 na bilang. Ang katawan ng karakoa ay gawa sa matigas na kahoy, ito ay may dalawang dulo na nagpapadali para sa mga nagsasagwan na imaniobra ito. Mayroon din ito ng mga katig (outrigger) sa gilid upang maging balanse ang bangka, at burulan (platform) na nakaangat na tinutuntungan ng mga mandirigma, kaya naman nakahiwalay rin sila sa mga nagsasagwan. Ang harapang bahagi nito na tinatawag na proa ay may disenyong ahas o nilalang sa dagat na nakaukit dito, sumisimbolo ito ng kapangyarihan at katayuan ng nagmamay-ari ng karakoa. Naglalaman din ang karakoa ng iba’t ibang armas na gamit ng mga mandirigma sa pakikipaglaban.
Malaki ang naging gampanin ng karakoa sa paglaban ng mga Pilipino noon sa mga mananakop na Kastila, ang kanilang paglaban ay pagpapakita na hindi sila basta-basta magpapatalo at pasasakop sa mga dayuhan. Bagaman buong tapang at lakas silang nakipaglaban, nagapi pa rin sila ng mga mananakop. Sa pagkapanalo ng mga Kastila sa laban, ipinatigil ng mga dayuhan ang produksyon at paggamit ng karakoa.
Sa kasalukuyan, ang Karakoa ay isang pamanang pandagat ng mga Pilipino dahil sa naging malaking gampanin nito noon sa pakikipaglaban ng ating mga ninuno laban sa mga mananakop na Kastila. Ipinapakita at sumisimbolo ito ng katatagan at kalakasan ng loob ng ating mga ninuno na ipaglaban ang ating bansa at lumaban hanggang sa huli.
Sanggunian:
Filipino TV. (n. d). Karakoa: Ancient Philippine Warship. https://www.myfilipinotv.com.
Mamerto, A. (2020). The Karakoa, the Traditional Pre-colonial Warship of the Philippines. HubPages. https://discover.hubpages.com
Scott, W. H. (1982). Boat-building and Seamanship in Classic Philippine Society. Philippine Studies: Historical and Ethnographic Viewpoints: Vol. 30: No. 3, Article 3. https://archium.ateneo.edu/phstudies/vol30/iss3/3/



Comments