top of page
Search

Baybayin

Kuha ang larawan mula sa Omniglot
Kuha ang larawan mula sa Omniglot

Hunyo 17, 2026 – Pasay City, NCR, Philippines


Ni Akira R. Ariate


Bago pa man dumating ang mga mananakop sa ating bansa, mayroon ng sariling paraan ng pamumuhay ang ating mga ninuno. Taliwas sa mga sinasabi ng mga dayuhan na ang mga Pilipino noon ay mga barbaro, bagkus sila ay mga organisadong mamamayan ng kanilang lipunan. Sila ay may sariling uri ng pamahalaan at pamumuno sa kanilang nasasakupang komunidad. Mula naman sa naisulat ni Antonio Pigafetta, kasama ni Ferdinand Magellan sa paglalayag papunta sa Pilipinas, may mataas na antas ng sibilisasyon ang mga Pilipino noon, sila ay may sariling uri ng edukasyon na kanilang ginagamit upang turuan at matuto ang mamamayan, gaya ng paggamit ng Baybayin.


Ang Baybayin ay ang sinaunang alpabeto ng mga Pilipino bago masakop ang Pilipinas. Mula ito sa salitang “baybáy” ng mga Tagalog na nangangahulugang lupaing nasa gilid ng dagat at ng “pagbaybáy” na nangangahulugang ispeling. Tinatawag na silabaryo (syllabary) ang sistema ng pagsulat na ito ng mga Pilipino noon, nangangahulugan na ang bawat simbolo o representasyon nito ay magkasama na ang isang katinig at isang patinig, samakatuwid ay isang pantig na ito. Maraming bagay ang ginamit ng mga Pilipino noon para sulatan ng Baybayin gaya ng mga dahon, palapa, balat ng mga prutas, at ang kawayan na madalas nilang sulatan nito. 


Nararapat lamang din sigurong tawagin na “Baybayin” ang sinaunang sistema ng pagsulat ng mga Pilipino dahil maraming anyong tubig ang matatagpuan sa ating bansa, dahil ang Pilipinas ay isang bansang arkipelago o pinagsama-samang isla o pulo sa isang karagatan. Gayundin, maraming Pilipino noon ang naninirahan malapit sa mga ilog o sapa, at sa mga tabing-dagat dahil ang mga anyong tubig lalo na ang dagat ay nagsisilbing pangunahing pinagkukunan ng pang-araw-araw na pangangailangan, hanapbuhay, nagsisilbing tulay ng transportasyon, daluyan ng impormasyon at kaalaman, at sentro ng kalakalan ng mga Pilipino noon na patungo na rin sa mga ibang lahi. Kaya naman, hindi na kataka-taka na mahalaga sa mga sinaunang Pilipino ang karagatan, dahil malaki ang gampanin ng karagatan sa kanilang pamumuhay at kahit sa kanilang pagkatuto at pagsulat ay nauugnay rin sa dagat.


Naging mahalagang kasangkapan ang Baybayin sa mga Pilipino noon para sa mga pagtatala ng impormasyon, pagpapadala ng mensahe, at pagpapanatili ng kaalaman sa loob ng komunidad. Hindi lamang produkto ang dala-dala ng mga bangka ng mga Pilipino noon sa pakikipagkalakalan, kasama rin sa kanilang pakikipagpalitan ng mga produkto ay mga ideya, relihiyon, at sistema ng pagsulat. 


Ang dagat ang naging tulay upang lumitaw at dumaloy ang mga ideya at kaalamang pinagmulan ng Baybayin, mula sa impluwensiya ng ibang bansa patungo sa ating bansa. Hindi man na Baybayin ang pangunahing sistema ng pagsulat ngayon, ngunit, isang patunay ang Baybayin na hindi maihihiwalay ang kasaysayan at kultura ng Pilipinas sa karagatan.



Sanggunian:


Philippine Cultural Education Program. (n.d.). Bayanihan. Philippine Cultural Education Program. https://philippineculturaleducation.com.ph/bayanihan-2/


Morrow, P. (n.d.). Baybayin, the ancient script of the Philippines. Paul Morrow. http://paulmorrow.ca/baybay1.htm


Pinoy Peryodiko. (2024, Agosto 30). Baybayin: Sinaunang sistema ng pagsulat. Pinoy Peryodiko. https://www.pinoyperyodiko.com/2024/08/30/dagdag-kaalaman/baybayin-sinaunang-sistema-ng-pagsulat/9564htm


 
 
 

Comments


JOIN THE VOYAGE!

 Get the Latest News & Updates

Thanks for submitting!

Contact Us

Thanks for submitting!

ADDRESS

Gate 1, Lighthouse Bldg. AIMS Campus, Roxas Blvd. cor. A. Arnaiz Ave.

Pasay City, Metro Manila, Philippines

EMAIL

PHONE

(+632) 8831-2467 Loc. 1104

© 2026 AIMS Museo Maritimo. Created by Daryl Lorence P. Abarca.

bottom of page