top of page
Search

Balatik: Ang Agham na Nakasulat sa Kalangitan

Isang bangkang de-layag na nakalutang sa tahimik na karagatan tuwing gabi, habang ang mga sakay nito ay nakatingala sa kalangitang punong-puno ng mga bituin, sumasalamin sa naging karanasan ng mga sinaunang Pilipinong manlalayag na umasa sa liwanag ng kalangitan bilang gabay. Retrato: Red Sheep
Isang bangkang de-layag na nakalutang sa tahimik na karagatan tuwing gabi, habang ang mga sakay nito ay nakatingala sa kalangitang punong-puno ng mga bituin, sumasalamin sa naging karanasan ng mga sinaunang Pilipinong manlalayag na umasa sa liwanag ng kalangitan bilang gabay. Retrato: Red Sheep

August 10, 2026 – Quezon City, NCR, Philippines


Article by Whesley Samar


Culture and Heritage | Feature Article | Balatik


Sa gitna ng kadiliman ng malawak at walang katapusang Karagatang Pasipiko, walang liwanag ng parola, walang papel na mapa, at walang modernong GPS ang ating mga ninuno. Subalit sa kabila ng panganib ng alon at dilim, hindi sila kailanman nawawala sa laot dahil nakatingala sila sa isang lumiliwanag na gabay sa kalangitan.


Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, Buwan ng Kasaysayan, at Linggo ng Kalawakan, mahalagang balikan kung paano naging gabay ng mga Pilipinong manlalayag ang isang sikat na pangkat ng mga bituin: ang Balatik.


Ang Orion, isa sa mga pinakakilalang konstelasyon, ay nakikita tuwing taglamig sa gabing kalangitan. Kasama rito ang pulang bituin na Betelgeuse sa itaas na kaliwa, at ang asul na bituin na Rigel sa ibaba na kanan. Sa gitna ay ang "sinturon" ng Orion, na binubuo ng tatlong maningning na bituin, at sa ilalim nito ay ang Orion Nebula, na bahagyang makikita sa malinaw at madilim na kalangitan. Retrato: NASA
Ang Orion, isa sa mga pinakakilalang konstelasyon, ay nakikita tuwing taglamig sa gabing kalangitan. Kasama rito ang pulang bituin na Betelgeuse sa itaas na kaliwa, at ang asul na bituin na Rigel sa ibaba na kanan. Sa gitna ay ang "sinturon" ng Orion, na binubuo ng tatlong maningning na bituin, at sa ilalim nito ay ang Orion Nebula, na bahagyang makikita sa malinaw at madilim na kalangitan. Retrato: NASA

Ano ang Balatik?


Ayon kay Ambrosio (2010), bago pa man naimbento ang kompas, ang ating mga ninuno ay naglalayag na sa mga isla gamit lamang ang kanilang kaalaman sa kalangitan. Sa Kanluraning astronomya, ang tatlong magkahanay na bituin na kilala bilang Orion's Belt sa konstelasyong Orion ay tinawag ng mga sinaunang Tagalog, Maguindanao, Bikol, at Bagobo na Balatik, isang salitang Pilipino na tumutukoy sa isang katutubong bitag o patibong na ginagamit sa pangangaso ng baboy ramo (Ambrosio, 2005).


Guhit ng tradisyonal na balatik, isang katutubong bitag sa pangangaso, kasama ang tatlong bituin na kumakatawan sa Orion's Belt.  Retrato: Good Reads
Guhit ng tradisyonal na balatik, isang katutubong bitag sa pangangaso, kasama ang tatlong bituin na kumakatawan sa Orion's Belt.  Retrato: Good Reads

Ipinapakita nito na bago pa man dumating ang mga banyaga, mayroon nang sariling katawagan at pag-unawa ang ating mga ninuno sa kalawakan, isang pag-unawang nakatali sa kanilang sariling kultura at wika (Scott, 1994).


Paano Ito Ginamit sa Paglalayag, Pangangaso, at Pagsasaka?


Para sa mga sinaunang Pilipino, ang Balatik ay hindi lamang simpleng palamuti sa gabi. Ito ay nagsilbing tanda ng panahon at gabay sa pang araw araw na gawain:


  1. Hudyat ng Panahon ng Pananim at Pangangaso. Sinabi ni Ambrosio (2005) na ang paglitaw ng Balatik sa gabi tuwing Disyembre ay hudyat sa mga Bagobo ng pagsisimula ng kaingin, o ang paraan ng pagsusunog upang maghanda ng lupa para sa pagtatanim.

  2. Hudyat ng Panahon ng Amihan. Ang paglitaw ng Balatik sa kalangitan tuwing huling bahagi ng taon ay nauugnay sa pagpasok ng hanging Amihan, kung kailan mas kalmado ang dagat, bagay na mahalaga para sa mga manlalakbay at mangangalakal sa pagitan ng mga isla (Scott, 1994).

  3. Tanda para sa Pangingisda. Bahagi ng malawak na sistema ng katutubong ethnoastronomiya ang paggamit ng mga bituin bilang pahiwatig ng nagbabagong panahon para sa pangingisda at iba pang gawaing pangkabuhayan (Ambrosio, 2010).


Ang eksibit ng Museo Maritimo (Asian Institute of Maritime Studies) na nagtatampok ng modelo ng Victoria Ship at ng estatwa ni Enrique de Malacca, isa sa mga kilalang tagasalin at manlalayag na kasama sa ekspedisyon ni Magellan. Retrato: AIMS
Ang eksibit ng Museo Maritimo (Asian Institute of Maritime Studies) na nagtatampok ng modelo ng Victoria Ship at ng estatwa ni Enrique de Malacca, isa sa mga kilalang tagasalin at manlalayag na kasama sa ekspedisyon ni Magellan. Retrato: AIMS

Susi sa Pag-unawa sa Ating Kasaysayang Pangkaragatan


Sa pagbisita sa Museo Maritimo at iba pang pampublikong pasyalan ng kasaysayan, ang kuwento ng Balatik ay nagsisilbing mahalagang paalala na ang ating mga ninuno ay hindi lamang simpleng mga mangingisda, kundi mga obserbador ng kalangitan na bumuo ng sariling sistema ng agham. Ipinapakita ito sa permanenteng eksibit ng Pambansang Planetaryo, na nagtatampok ng mga katutubong kaalaman sa ethnoastronomiya ng iba't ibang grupong etnolingguwistiko sa bansa (National Museum of the Philippines, n.d.).


Sa pamamagitan ng pag aaral ng ethnoastronomiya at ng ating pamanang pangkaragatan, ipinapakita nito na bago pa man dumating ang mga Kanluraning mapa at kagamitan sa paglalayag, ang kapuluan ng Pilipinas ay mayroon nang maunlad na sistema ng agham, isang agham na nakatali sa ating katutubong wika, kultura, at pambansang kasaysayan (Jocano, 1998; Peralta, 2000).


Ngayong Buwan ng Wika, Buwan ng Kasaysayan, at Linggo ng Kalawakan, ang Balatik ay patunay na ang kalangitan at karagatan ay matagal nang nag-uugnay sa ating pagka Pilipino at sa ating mayamang pamanang pangkaragatan.


Sanggunian


Ambrosio, D. L. (2005). Balatik: Katutubong bituin ng mga Pilipino. Philippine Social Sciences Review, 57(1–4), 1–28. https://bangkanixiao.wordpress.com/wp-content/uploads/2012/09/ambrosio-balatik-katutubong-bituin-ng-mga-pilipino.pdf


Ambrosio, D. L. (2010). Balatik: Etnoastronomiya, kalangitan at kabihasnang Pilipino. University of the Philippines Press. https://openlibrary.org/books/OL25343063M/Balatik_etnoastronomiya


Jocano, F. L. (1998). Filipino prehistory: Rediscovering precolonial heritage. Punlad Research House. https://archive.org/details/filipinoprehisto0000flan


National Museum of the Philippines. (n.d.). National Planetarium. https://www.nationalmuseum.gov.ph/our-museums/national-planetarium/


Peralta, J. T. (2000). Glimpses: Peoples of the Philippines. National Commission for Culture and the Arts. https://ncca.gov.ph/wp-content/uploads/2018/10/GLIMPSES-Peoples-of-the-Philippines.pdf


Scott, W. H. (1994). Barangay: Sixteenth-century Philippine culture and society. Ateneo de Manila University Press. https://unipress.ateneo.edu/product/barangay-sixteenth-century-philippine-culture-and-society-1

 
 
 

Comments


JOIN THE VOYAGE!

 Get the Latest News & Updates

Thanks for submitting!

Contact Us

Thanks for submitting!

ADDRESS

Gate 1, Lighthouse Bldg. AIMS Campus, Roxas Blvd. cor. A. Arnaiz Ave.

Pasay City, Metro Manila, Philippines

EMAIL

PHONE

(+632) 8831-2467 Loc. 1104

© 2026 AIMS Museo Maritimo. Created by Daryl Lorence P. Abarca.

bottom of page