top of page
Search

Wikang Filipino: Kahalagahan at Kabuluhan sa Ika-21 Siglo

Aug 8
14 min read

Updated: Aug 11

Mga Pilipinong nagse-selfie (Ilustrasyong gawa ng AI. Pinagmulan: chatgpt.com)
Mga Pilipinong nagse-selfie (Ilustrasyong gawa ng AI. Pinagmulan: chatgpt.com)

Agosto 6, 2026 – Siyudad ng Pasig, Rehiyon ng Pambansang Kabisera, Republika ng Pilipinas


Isang artikulo ni SM Floralde

 

Noong ako ay nag-aaral pa sa mataas na paaralan, panahon pa ng Batas Militar (o Martial Law), masasabi kong hindi ko paborito ang asignaturang Filipino. Una, dahil interesado ako sa sistematikong kalipunan ng kaalaman; pag-aaral ng lipunan, kasaysayan, at kultura; at lengguwahe ng mga Amerikano at Briton; ang mga sabjek (subject) na gusto ko talagang pag-aralan noon ay Agham (Science), Araling Panlipunan (Social Studies), at Sining at Kasanayan sa Pakikipagtalastasan sa Ingles (English Communication Arts and Skills).


Pangalawa, hindi ko masyadong hilig ang pagbabasa ng mahahabang aklat na tulad ng koridong Ibong Adarna na may habang 1,717 na saknong. Ang sumunod ay ang awit na Florante at Laura na akda ni Francisco Balagtas at binubuo ng 399 na saknong. Maging ang dalawang obra maestra ni Gat Jose Rizal na Noli Me Tangere, na ang ibig sabihin ay “Touch Me Not” sa Ingles at “Huwag Mo Akong Salingin” sa Tagalog, at ang El Filibusterismo naman ay may kahulugan na “The Reign of Greed” sa Ingles at “Ang Paghahari ng Kasakiman” sa Tagalog. Ang mga nobelang ito ay binubuo ng 64 na kabanata at 39 na kabanata ayon sa pagkakabanggit.


Pangatlo, bagaman gusto ko rin ang mga istorya sa mga literaturang nabanggit, nahirapan ako, sampu ng aking mga kamag-aral, na unawain ang mga salitang bokabularyo na hinugot pa sa lumang baul ng ating mga ninuno.


Bilang isang labintaunin o bagets noon, karamihan sa aming mga magkakaklase ay hindi gaanong maintindihan ang mga librong nilimbag noong panahon pa ng mga Kastila, at iba pang nobelang isinalin sa Tagalog noong panahon ng mga Amerikano. Dahil lumaki kami at namulat sa panahon na tumatangkilik sa mga higanteng pelikula mula sa Hollywood, sa mga sikat na banyagang awitin nina Michael Jackson at Madonna, at pati na rin sa popular na nobela nina Sidney Sheldon, Danielle Steel, at Stephen King na kung saan English ang wikang ginagamit, hindi kayang arukin ng aming makabagong kaisipan ang karamihan sa mga mataimtim na salitang isinulat sa panitikang Pilipino, at maging sa mga nobela ni Rizal na orihinal na isinulat sa lumang Kastila, na isinalin muna sa wikang Ingles at saka isinalin sa malalim na Tagalog.

 

Mga Aklat ng Ibong Adarna at Florante at Laura (Ilustrasyong gawa ng AI. Pinagmulan: chatgpt.com)
Mga Aklat ng Ibong Adarna at Florante at Laura (Ilustrasyong gawa ng AI. Pinagmulan: chatgpt.com)

Bagama’t nanonood rin kami ng mga pelikulang Pinoy sa sinehan; mga drama serye tulad ng Flor de Luna at Annaliza at programang tulad ng Student Canteen at Eat Bulaga sa telebisyon; nakikinig ng lokal na drama at musika sa radyo; at nakapagbabasa ng mga aklat nina Lualhati Bautista, Nick Joaquin, at Jose Lacaba, lokal na diyaryo, at komiks na gumagamit ng wikang bernakular; ang makaluma at pormal na pananalita sa sinaunang lengguwahe na gamit sa literaturang binabasa namin sa eskwelahan ay hindi na halos ginagamit sa pang-araw-araw na buhay kaya’t tila limot na ng aming henerasyon. Ito ang mga kadahilanan kung bakit may agam-agam kami sa pag-aaral nito at hindi masyadong nagkaroon ng kumpiyansa na matuto sa sariling wika.


Ngunit sa isang pagkakataon, nagkaroon kami ng pagbabagong-isip dahil sa isang magaling na guro sa panitikang El Filibusterismo. Bagama’t may kakayahan din ang mga naunang nagturo sa amin, ang maestra naming si Binibining Dorotea de Asis sa ika-apat at huling taon namin sa mataas na paaralan ang bukod-tangi at hindi nawala sa aming alaala.


Dahil sa malumanay niyang tinig at pinong asal na tila kawangis ng katauhan ni Maria Clara, husay sa pagsasalaysay ng mga kuwentong kathang-isip ni Rizal, at matinding sigasig niyang matuto kami sa makabayang lengguwahe, nagpursigi kaming magsunog ng kilay sa pagbabasa ng nobelang ito. At sa tiyaga niyang ipaliwanag ang bawat kabanata, unti-unti kaming nagkainteres sa mga pakikibaka ng mga pangunahing tauhan laban sa pang-aapi ng mga Kastila. At bago dumating ang pagtatapos ng high school, nakapagsulat kami ng buod ng bawat kabanata, lumahok sa resitasyon sa klase, at naipasa lahat ng pagsusulit sa kaniyang klase. At mula noon, hindi na namin siya nalimutan sa kaniyang munting ambag sa pagpapalawig ng pambansang wika. At mula rin noon, natutunan ko nang pahalagahan at mahalin ang ating Wikang Filipino.

 

Mga nobela ni Jose Rizal: Noli Me Tangere at El Filibusterismo (Ilustrasyong gawa ng AI. Pinagmulan: chatgpt.com)
Mga nobela ni Jose Rizal: Noli Me Tangere at El Filibusterismo (Ilustrasyong gawa ng AI. Pinagmulan: chatgpt.com)

Mula nang maging opisyal na ang Filipino bilang pambansang wika, ipinagdiriwang na natin taon-taon ang una’y Linggo ng Wika na naging Buwan ng Wika tuwing Agosto. Ito ay upang alalahanin ang kahalagahan nito sa ating bayan at itaguyod ang pagkakaisa ng mga Pilipino sa pamamagitan ng isang pambansang wika. Ngunit sa kasalukuyang panahon ng sikat na mga pelikula tulad ng Avengers, Justice League, at Avatar at humahataw na popular na musika nina Bruno Mars at Taylor Swift, ano na nga ba ang estado ngayon ng wikang kayumanggi sa ating lipunan? Ngunit bago natin talakayin ang kasalukuyan at harapin ang kinabukasan, mabuting lumingon muna tayo sa nakaraang kasaysayan, at alamin ang depinisyon, kahalagahan, at kabuluhan ng wikang pambansa.

 

Ang Pambansang Wika—Depinisyon at Kahalagahan

Ang Pambansang Wika ay ang pangunahing wika na itinalaga ng isang bansa bilang sagisag ng pagkakaisa ng mga mamamayan, pagkakakilanlan ng bansa, at pangunahing midyum ng komunikasyon. Sa Pilipinas, ang pambansang wika ay Filipino.

Ayon sa Saligang Batas ng isang libo, siyam na raan, at walumpu’t pito (1987), ito ang opisyal na wikang ginagamit sa komunikasyon at edukasyon, at ibinatay sa Tagalog. Sa modernong panahon, patuloy na pinayayaman at pinauunlad ito gamit ang iba pang katutubong wika sa bansa at mga salitang hiram.

Mahalaga ang wikang Filipino dahil ito ang nagsisilbing kasangkapan ng ugnayan ng mga Pilipino mula sa iba't ibang rehiyon ng bansa at antas ng lipunan. Ipinapakita nito ang natatangi nating kultura, sariling kasaysayan, at kinagisnang ugali ng ating nasyon. Ito rin ang susi sa epektibong pag-aaral, pamamahala, at pagpapalaganap ng mga impormasyon sa loob ng bansa. At higit sa lahat, patuloy itong umaangkop sa teknolohiya, midya, at modernong usapan ng kabataan at madlang Pilipino.

 

Kasaysayan bago naging Opisyal ang Wikang Filipino

Noong panahon bago dumating ang mga kolonyalista, ang mga sinaunang Pilipino ay wala pang dineklarang pambansang wika. Ngunit may iba't ibang katutubong wika ang ginagamit sa buong kapuluan, mayroon ding Baybayin o sistema ng pagsulat, at mga wikang Austronesyano ang ginagamit ng ating mga ninuno. Ang bawat pangkat-etnolinggwistiko (ethnolinguistic group) ay may sariling diyalekto (dialect) o wika sa kani-kanilang komunidad. At ang pakikipag-ugnayan sa mga kalapit na bansa sa Timog-Silangang Asya (Southeast Asia) at iba pang lugar sa Asya ay nagdala ng mga salitang hiram mula sa Malay, Sanskrito, at Arabik bago pa man dumaong ang mga taga-Europa.


Bago naging opisyal ang ating pambansang wika, ang pangunahing wikang pormal at panturo sa paaralan na ginagamit sa buong bansa noong panahong kolonyal (1565-1898) ay Kastila o Espanyol (Spanish). Bagaman may mga opisyal na utos ni Haring Felipe, ang Hari ng Espanya, na ituro ang wikang Espanyol, ang mga lokal na prayle at opisyal sa Pilipinas ay sadyang ipinagkait ito sa mga katutubo. Gayunpaman, ang ilang Pilipino tulad ng mga Ilustrado o mayayamang pamilya ay nakapag-aral ng Espanyol sa huling bahagi ng kanilang pananakop at siyang naging mga utak ng rebolusyon, samantalang ang uring manggagawa ang naging kamao ng himagsikan.


Noong 1898, nang sinakop naman tayo ng mga Amerikano at bilhin ang Pilipinas mula sa Espanya sa pamamagitan ng Kasunduan sa Paris (Treaty of Paris), naging Ingles (English) na ang pangunahing wika sa Pilipinas. Kung ang mga Kastila na dati nating mananakop ay ipinagkait ang kanilang lengguwahe, ang mga Amerikano naman ay sapilitang ipinatupad ang paggamit ng wikang Ingles bilang nag-iisang wikang panturo sa buong bansa. Upang maisakatuparan ito, nagpadala sila ng mga Amerikanong guro, kilala sa tawag na Thomasites, upang simulan ang libreng pampublikong edukasyon sa sa Pilipinas. At bilang patakarang pan-edukasyon, Ingles lamang ang pinahihintulutang salitain sa loob ng klasrum.

Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1941-1945), ipinag-utos ng mga Hapon na ituro ang Nihongo o Niponggo (Japanese) sa mga paaralan at gamitin sa pamahalaan at ipinagbawal ang salitang Ingles. At upang burahin ang impluwensiya ng mga Amerikano sa pamumuhay at kaisipan ng mga Pilipino, sa panahon ding ito itinaguyod ang Tagalog bilang pambansang wika.


Noong 1959, ilang taon matapos ang digmaan na kumitil sa daan-daang libong Pilipino, ang populasyon ng Pilipinas ay humigit-kumulang na dalawampu’t limang milyon (25 million) lamang. Ayon naman sa mga lengguwista, ang Tagalog, Cebuano, Ilocano, Hiligaynon, Bicol, Waray, Pampango, at Pangasinan ang walong pangunahing katutubong wika na malawakang sinasalita noon sa buong arkipelago. Bukod doon, ang mga Pilipino na naninirahan sa limampu’t anim (56) na opisyal na probinsiya sa apat na sulok ng bansa ay nagsasalita sa higit sa isang daan (100) hanggang isang daan at pitumpu (170) na iba’t ibang wika at daan-daang diyalekto. Ito ang demograpiya (demography) at dibisyong administratibo (administrative division) ng Pilipinas nang mabuo ang wikang Filipino.


Jose Rizal, Manuel Quezon, at iba pang mga simbolo ng kasaysayan at kultura ng Pilipino (Pinagmulan: ph.pinterest.com)
Jose Rizal, Manuel Quezon, at iba pang mga simbolo ng kasaysayan at kultura ng Pilipino (Pinagmulan: ph.pinterest.com)

Tagalog—Batayan ng Wikang Filipino

Bago naging isang modernong wika ang Filipino na ginagamit sa buong bansa, inatasan ng gobyerno ang mga mambabatas at ahensiya na pag-aralan at pumili ng isang katutubong wika bilang batayan ng pambansang wika. Hindi naging madali ang mithiing ito dahil dumaan pa ito sa mahabang prosesong pulitikal na nakasulat na sa bato ng ating kasaysayan. Ang mga yugto at batas sa pag-unlad ng ating Wikang Pambansa ay nakasaad sa mga sumusunod na pangyayari:


1. Ayon sa Saligang Batas ng Biak-na-Bato na tinatag noong 1897, nakasaad sa Artikulo VII nito na magiging opisyal na wika ng pamahalaang rebolusyonaryo ang wikang Tagalog.

2. Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Manuel L. Quezon (ang ikalawang presidente ng Pilipinas at kilala rin bilang "Ama ng Wikang Pambansa"), iniutos sa Pambansang Asemblea noong 1935 na gumawa ng mga hakbang upang maglinang at magpatibay ng isang wikang pambansa batay sa isang katutubong wika mapipili.


3. Upang magsaliksik at pumili ng katutubong wika na siyang magiging batayan ng wikang pambansa, itinatag naman ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP). Ito ay naganap sa noong 1936 sa bisa ng Batas Komonwelt Blg. 184.


4. Sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 noong 1937, ipinahayag ni Pangulong Quezon na ang Tagalog ang opisyal na batayan ng Wikang Pambansa. Sa dami ng lengguwaheng sa Pilipinas, Tagalog ang napili dahil ito ang pinakamauunawaan at may pinakamayamang panitikan sa bansa.


5. Noong 1959, sa Kautusang Pangkagawaran Blg. 7, pinalitan ang tawag sa wikang pambansa. Sa pangunguna ni Kalihim Jose B. Romero ng Edukasyon, mula Tagalog, ito ay naging Pilipino. Ginawa ito upang maiwasan ang rehiyonalismo at bigyan ito ng pambansang karakter.


6. Opisyal na binago ang pangalan ng wika mula Pilipino tungo sa Filipino sa ilalim ng Saligang Batas ng 1987. Ito ay iniuutos ng Artikulo XIV, Seksyon 6 ng Konstitusyon. Upang maisama ang mga tunog at hiram na salita mula sa iba pang katutubong wika sa bansa (tulad ng f, j, v, z na ginagamit ng mga Ivatan, Ifugao, at Maranao), pinalawak ang alpabeto mula 20 hanggang 28 titik. Dahil ang paggamit ng titik "F" ay simbolo ng pagiging bukas ng wika sa makabagong panahon at agham, idineklara na ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino.


7. Ang paglikha ng isang komisyon ng wika ay iniuutos ng Artikulo XIV, Seksyon 9 ng Saligang Batas ng 1987. At upang matiyak ang pagpapaunlad, pagpapalaganap, at pagpapanatili ng wikang Filipino at iba pang mga katutubong wikang ginagamit sa Pilipinas, opisyal na itinatag ang Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) noong Agosto 14, 1991.


 

Mga estudyanteng nasa loob ng silid-aralan na nagreresitasyon (Ilustrasyong gawa ng AI. Pinagmulan: chatgpt.com)
Mga estudyanteng nasa loob ng silid-aralan na nagreresitasyon (Ilustrasyong gawa ng AI. Pinagmulan: chatgpt.com)

Edukasyon sa Wikang Filipino

Ayon sa modernong sistema ng edukasyon, ang wikang Filipino ay ginagamit sa paaralan bilang opisyal na wikang panturo (medium of instruction). Ito rin ay hiwalay na asignatura (separate subject) at pangunahing wika (primary language) ng komunikasyon at pananaliksik sa institusyon ng pedagohiya (pedagogy). Ito ay alinsunod sa mga patakaran ng Kagawaran ng Edukasyon o Department of Education (DepEd).


Maliban sa asignaturang Filipino at Araling Panlipunan, ang Filipino bilang opisyal na wika sa pagtuturo ay ginagamit din sa Edukasyon sa Pagpapakatao (EsP) at MAPEH (Music, Arts, Physical Education, at Health). Ito ay upang mas madaling maipamahagi ang mga moral at etikal na aral at sa pagpapaliwanag ng sining, musika, at mga katutubong sayaw. Ginagamit ng mga guro ang Filipino upang ipaliwanag ang mahihirap na konsepto sa Science at Math para sa kontekstwalisasyon. Dahil may bilingguwal na polisiya (bilingual policy) ang edukasyon sa ating bansa, dalawang lengguwahe ang ginagamit sa pagtuturo ng mga guro sa mga asignatura, kung saan Ingles ang gamit sa Science at Math, at Filipino naman sa Humanidades (Humanities).


Habang may resitasyon sa loob ng klasrum, pinapayagan ang Taglish sa mga impormal na talakayan upang mas malayang makapagpahayag ang mga mag-aaral. Isa itong uri ng code-switching (o impormal na paghahalo ng Tagalog o Filipino at Ingles sa loob ng iisang usapan o pangungusap) na malawakang ginagamit sa mga pang-araw-araw na usapan, media, at social media sa Pilipinas. Ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) o edukasyong multilingguwal na nakabatay sa wikang kinagisnan ang gamit para sa mga unang antas (Kinder hanggang Grade 3), samantalang Filipino naman ang itinuturo bilang pangalawang wika kung ang rehiyon ay may ibang katutubong wika. Sa akademikong pagsulat, ginagamit ang Filipino sa paglikha ng mga tula, sanaysay, at talumpati sa mga gawaing pampaaralan at paggawa ng mga lokal na tesis (thesis) sa Senior High School at Kolehiyo. Ang pagbuo ng mga modyul, worksheet, at instructional materials ay nakasulat din sa Filipino.


Ang pagtuturo ng mga akdang Ibong Adarna at Florante at Laura ay nakatali sa K to 12 at MATATAG Curriculum Guides ng DepEd, kung saan ang bawat obra-maestra ay itinalaga bilang opisyal na bahagi ng asignaturang Filipino sa bawat antas ng Junior High School (Grade 7 hanggang Grade 10). Partikular para sa Noli Me Tángere at El Filibusterismo, ang patakaran ng DepEd ay direktang pagsunod sa Batas Republika Blg. 1425 o mas kilala bilang Batas Rizal (Rizal Law). Mandato ng batas na ito na gawing sapilitang bahagi ng kurikulum sa lahat ng paaralan sa Pilipinas ang pag-aaral sa buhay, mga gawa, at mga isinulat ni Rizal.

 

Wikang Filipino sa Iba’t Ibang Larangan

Sa larangan ng edukasyon, pamahalaan, midyang pangmasa (broadcast media), lokal na kalakalan (local commerce), at sining (arts), malawak ang paggamit ng mga Pilipino sa wikang Filipino. Bilang opisyal at pambansang wika, ang Filipino ay nananatiling pangunahing tulay sa komunikasyon ng mga mamamayang Pilipino at iba't ibang sektor ng lipunan.


Sa larangan ng edukasyon at akademya, ang wikang Filipino ay ginagamit na paraan ng pagtuturo sa mga asignaturang tulad ng Filipino, Panitikan, at Araling Panlipunan. Ito rin ay ginagamit na midyum sa pananaliksik upang bumuo ng tesis (thesis), siyentipikong papel (scientific paper), at akademikong dyornal (academic journal) nang sa gayon ay mas mapalapit ang karunungan sa masang Pilipino. Sa larangan naman ng pamahalaan at batas, ginagamit ang ating Filipinong lengguwahe sa talumpati (speech), ugnayan (communication), at korespondensiya (correspondence) tulad ng liham (mail), pormularyo (form), at transaksyon (transaction) sa mga ahensya ng gobyerno. Sa larangan naman ng kalakalan at negosyo, mas madaling magagawa ang transaksyon sa pamilihan (market) at mas epektibo ang patalastas (advertisement) sa TV, radyo, at billboard kapag nakasulat sa Filipino o Taglish. Sa larangan ng media at aliwan, wikang Filipino rin ang gamit na wika sa mga lokal na balita, komentaryo, dokyu-serye, at mga teleserye. At maging sa pelikula, musika, sining, at panitikan, lahat ng artistikong gawa tulad ng awit (song), akda (literary piece), tula (poem), at nobela (novel) ay ginagamitan ng wikang Filipino sa pagpapahayag ng kultura at saloobin ng Pinoy upang maging makapangyarihan ang pagpaparating ng mensahe sa mga Pilipino.


Mga estudyanteng gumagamit ng makabagong teknolohiya (Ilustrasyong gawa ng AI. Pinagmulan: chatgpt.com)
Mga estudyanteng gumagamit ng makabagong teknolohiya (Ilustrasyong gawa ng AI. Pinagmulan: chatgpt.com)

Wikang Filipino sa Makabagong Panahon ng Teknolohiya at Social Media

Sa panahon ng makabagong teknolohiyang pangkomunikasyon (modern communication technology) tulad ng cellphone, tablet, personal computer (PC), at laptop, sinasalita pa rin ng nakararaming Pilipino ang wikang Filipino sa buong bansa. Sa katunayan, ito ang pangunahing wika na ginagamit ng mga Pilipino sa hatirang pangmadla (social media), mga aplikasyong nasa linya (online application), at komunikasyong didyital (digital communication).


Sa kasalukuyan, ang bilang ng aktibong konsumer na gumagamit ng social media sa Pilipinas ay humigit-kumulang siyamnapu’t lima punto walong milyon (95.8 million). At dahil wikang Filipino (o Taglish) ang pangunahing wika sa bansa, ang karamihan sa mga Pilipino ay gumagamit nito sa didyital na komunikasyon. Sa katunayan, walumpu’t isa punto siyam na porsiyento (81.9%) ng kabuuang populasyon ng bansa ay nakakonekta sa internet at gumagamit ng sosyal midya. Kaya tinagurian ang Pilipinas bilang "Social Media Capital of the World" o Kabisera ng Sosyal Midya sa Mundo.


Ayon sa huling istatistika, ang paggamit ng Filipino sa digital media ay patuloy na dumadami. Sa plataporma ng Facebook at Messenger, may 94.9% ng mga internet user sa bansa ang gumagamit nito, kung saan Filipino at Taglish ang pinakapopular na wika sa mga post at chat. Sa TikTok naman, umaabot sa 82.2% ang gumagamit nito. Dito sumisikat ang mga localized na "hugot," memes, at trending na usapan sa wikang Filipino. At sa YouTube, mayroong nasa 59.6 milyong aktibong gumagamit na karamihan ay nanonood ng mga Pinoy vlogger na purong Filipino ang salita.


Maraming vlogger at influencer sa YouTube at TikTok ang gumagamit ng Filipino. Mas tinatangkilik ang mga podcast, balita, at palabas online kapag ito ay nasa wikang Filipino. Mas mabilis natututo ang mga Pinoy tungkol sa bagong tech kapag may paliwanag sa sariling wika. At mas madali para sa mga Pilipino na magpahayag ng damdamin gamit ang sariling wika.


Larawan ni Jose Rizal na may teksto ng isang salawikain (Ilustrasyong gawa ng AI. Pinagmulan: chatgpt.com)
Larawan ni Jose Rizal na may teksto ng isang salawikain (Ilustrasyong gawa ng AI. Pinagmulan: chatgpt.com)

Wikang Filipino sa Ika-21 Siglo

Ang Tagalog (na naging batayan sa pagbuo ng wikang Filipino) ang pinakapopular at pinakamalawak na ginagamit na wika sa Pilipinas. Batay sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), “112,729,484 ang kabuuang populasyon ng Pilipinas batay sa 2024 Census of Population (POPCEN) na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA) mula Hulyo hanggang Setyembre 2024.” Sa populasyong ito, tinatayang aabot sa mga 45 hanggang mahigit 60 milyong Pilipino ang gumagamit o nakakaunawa ng wikang Filipino. Ito ay sinasalita o ginagamit sa halos 40% ng mga tahanan sa bansa. Kasunod nito ang Cebuano (Bisaya) bilang pangunahing wikang rehiyonal.


At ayon naman sa pagsusuri ng Social Weather Stations (SWS), “Nasa kabuuang 75% na mga Pilipino pa rin ang nananatiling mahusay sa wikang Filipino.” Sa karagdagang ulat, “aabot sa 96% ang bilang ng mga respondents nito ang nakakapagbasa ng wikang Filipino; habang nasa 93% naman ang mga nakakapagsulat at nakakaintindi ng naturang lenggwahe, at nasa 75% naman ang mga Pinoy na nag-iisip sa Filipino."

 

Buwan ng Wika

Ang Buwan ng Wikang Pambansa (National Language Month) o Buwan ng Wika ay ipinagdiriwang mula Agosto 1-30. Sa pangunguna ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF), "ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay 'Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.’ Kinikilala ng tema ng Buwan ng Wika 2026 ang magkaugnay na papel ng wikang Filipino at artificial intelligence (AI) para sa makabansang gawain ng pananaliksik. Panawagan ito para sa responsableng paggamit ng AI habang tinitiyak na may makabuluhang espasyo ang Wikang Pambansa sa mga usaping may kinalaman sa mga umuusbong na teknolohiya at kaugnay na usaping pang-etika rito." Maliban sa nabanggit, nagsasagawa rin sila ng mga aktibidad na nagtataguyod sa wikang Filipino at sa iba pang mga wika ng Pilipinas.


Sa kabila ng tagumpay ng komisyong ito, may mga bagay na dapat pang pagtuunan ng pansin, tulad ng sinasabing nabibigo ito sa layunin nitong higit pang paunlarin ang wikang Filipino, partikular ang kapos na bokabularyong teknikal at siyentipiko na labis na umaasa sa mga hiram na salita at, kadalasan, sa mga hiram na estruktura mula sa wikang dayuhan. Dahil dito, kadalasang naiiwan sa mga unibersidad ang pagbuo ng kani-kanilang mga terminolohiya para sa bawat larangan, na humahantong sa kakulangan ng pagkakapareho at hindi paggamit ng publiko. Bagama’t may kakulangan pa, mayroon naman itong naiambag. Tulad ng pagtatatag ng isang online dictionary na tinatawag na KWF Diksiyonaryo ng Wikang Filipino. Sa pamamagitan nito, nakapagdadagdag sila ng mga salitang galing sa ibang lengguwahe ng Pilipinas sa pag-asang mapayaman ang leksikon ng Filipino.


Bukod sa KWF, ang Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining o National Commission for Culture and The Arts (NCCA) ay may mandato na pagpapanatili at pagtataguyod ng sining, kultura, at pambansang identidad kung saan ang wika ay pangunahing bahagi. Isa pa, ang NCCA ay nagbibigay ng pondo at suporta sa mga proyektong pampanitikan, pagsasalin, at mga sining na gumagamit at nagpapaunlad sa wikang Filipino at iba pang katutubong wika sa bansa.


Maliban sa mga programa ng gobyerno, may magagawa rin ang mga mamamayan at iba’t ibang sektor ng lipunan. Hindi lamang mga kagawaran at komisyon na itinatag ng pamahalaan, kundi mga ordinaryong Pilipino ang makatutulong sa pagpapaunlad ng wikang Filipino. At maisasakatuparan ito sa pamamagitan ng madalas na paggamit ng wikang Filipino sa araw-araw. Hindi lamang sa pakikipag-usap sa ibang tao sa loob ng tahanan, opisina, palengke, at pampublikong lugar, kundi sa mundo ng digital tulad ng social media. Sa tulong ng mga edukador at pamunuan ng Kagawaran ng Edukasyon, ang paggamit ng pambansang wika sa pagtuturo ay makatutulong sa pagpapalawak ng kaalaman sa mga paaralan. Kasama ang mga kabataan na may pagpapahalaga at pagmamahal sa ating bayan ay magpapalawak pa ng tamang impormasyon at kaalaman sa kani-kanilang pamilya at komunidad.


At higit sa lahat, ang paglikha ng mga akda tulad ng tula, sanaysay, maikling kuwento, dula, awit, pelikula, at nobela ay magpapalaganap pa ng kultura at sining ng mga Pilipino, na siyang may kakayahang maisapaloob ang diwa sa bawat salitang nasusulat at nabibigkas sa pamamagitan ng paggamit ng wikang Filipino.

 

Mga Sanggunian:

1. Raul Pangalangan - Philippine Daily Inquirer (12/31/2010). The intense debate on the Rizal Law. web.archive.org.


2. Paz M. Belvez - National Commission for Culture and The Arts (2012, March 06). Development of Filipino, The National Language of the Philippines. web.archive.org.


3. Hecyl Brojan (2025, July 17). Populasyon ng Pilipinas, pumalo na sa 112.7-M — PSA. ibctv13.com.


4. Bombo Marlene Padiernos (2023, August 17). Mga Pilipinong matatas sa ingles, nasa 47% lang; bilang ng mga Pinoy na mahusay sa wikang Filipino, nasa 75% – SWS. bomboradyo.com


5. Adrian Parungao (2023, August 16). SWS: At least 75% adults competent in Filipino, 47% in English. @inquirerdotnetINQUIRER.net


6. KWF Diksiyonaryo ng Wikang Filipino


7. Michael Bueza (2014, Aug 20). Panayam: Paano mapauunlad ng Filipino ang kanyang wika?. rappler.com


8. DILG. (August 1, 2026 to August 31, 2026). Buwan ng Wikang Pambansa. dilg.gov.ph.

 

 
 
 

Comments


JOIN THE VOYAGE!

 Get the Latest News & Updates

Thanks for submitting!

Contact Us

Thanks for submitting!

ADDRESS

Gate 1, Lighthouse Bldg. AIMS Campus, Roxas Blvd. cor. A. Arnaiz Ave.

Pasay City, Metro Manila, Philippines

EMAIL

PHONE

(+632) 8831-2467 Loc. 1104

© 2026 AIMS Museo Maritimo. Created by Daryl Lorence P. Abarca.

bottom of page