Ang Vinta ng Zamboanga
- museomaritimo

- 17 hours ago
- 2 min read

April 11, 2026 – Pasay City, NCR, Philippines
An article by Akira R. Ariate
Noong sa elementary at highschool, nagkakaroon ng mga pagtalakay patungkol sa kultura ng iba't ibang lugar sa Pilipinas.
Madalas itinatampok sa klase ang mga bagay, pagkain, piyesta o selebrasyon na kilala sa isang lugar upang maipakilala ang kultura at tradisyon ng mga mamamayan doon. Sa katulad ko na mula pagkabata hanggang sa pagtanda na naninirahan sa kamaynilaan, hindi ko naranasan makapunta sa kahit saang lugar sa Mindanao. Dahil sa distansiya na mayroon, hindi ko nakikita o nararanasan ang kultura na kanilang pinagmamalaki. Tanging sa paaralan na lamang ito nalalaman at natututuhan.
Sa pagsilip at pananaliksik sa isa sa mga makulay na kultura sa Mindanao, nasulyapan ang isa
sa kanilang ipinagmamalaking tradisyon, partikular na sa Zamboanga.
Ang Pilipinas ay isang bansang arkipelago na ngayon ay mayroong 7, 641 na isla na makikita sa mga lugar ng Luzon, Visayas, at Mindanao.
Marami ang isla na matatagpuan sa bansa, kaya hindi na kataka-taka na isa sa pangunahing
hanapbuhay sa Pilipinas ang pangingisda. Kaya naman mahalaga rin sa mga pilipino lalo na sa mga mangingisda ang bangka bilang kagamitan sa pangingisda at transportasyon sa bawat araw na pakikipagsapalaran sa karagatan.
Ang vinta na kilala rin sa tawag na lepa-lepa o sakayan ay makikita sa Zamboanga. Ito ay isang bangka na karaniwang ginagamit ng mga zamboanguenos sa kanilang pangingisda,
transportasyon, at pati na rin sa kanilang turismo.
Kilala ang vinta sa kakaiba at makulay nitong mga disenyo. Ang harap nito ay makipot, at
mayroong matulis na bahagi sa harapan na tinatawag na proa, ito ay tumatagos sa tubig kapag umaandar na ang bangka. Ang layag naman nito ay gawa sa mga makukulay na tela na hinabi gamit ang mga kamay. Ang disenyo nito ay binubuo ng mga makukulay na patayong guhit at may mga geometric na hugis.
Gawa ang vinta ng mga tribo ng mga Sama-Bajau, Tausug, at Yakan mula sa kahoy at kawayan, kaya naman ito ay magaan at matibay. Ngunit kahit ito ay ginagamit sa mga paglalakbay at pangingisda, hindi ito ginagamit sa mga mahahaba at may mararahas na alon ng tubig sa paglalayag.
Sa kasaysayan ng pamumuhay ng mga katutubo sa Mindanao, malaki ang naging gampanin ng mga bangka sa kanila dahil ito ang naging pangunahing kagamitan nila sa pangingisda,
paglalakbay, at pakikipagkalakalan sa mga iba't ibang lugar.
Ang iba't ibang kulay na disenyo naman ng layag ay representasyon ng kanilang pagkakaisa
kahit na magkakaiba ng tribo o etniko na kinabibilangan at pinaniniwalaan.
Gayundin, sinisimbolo ng mga tradisyonal na bangkang ito ang kasaysayan, sining, at
kabuhayan ng mga katutubo na nakadikit na sa kultura ng ating bansa. Mahalaga ang vinta hindi lamang sa mga tribo ng Mindanao, kundi pati na rin sa ating lahat na pilipino dahil ipinapakita at pinalilitaw ng kasaysayan nito ang kahusayan ng mga ninunong pilipino pagdating sa karagatan.
Sanggunian:
7641 Islands of the Philippines (2020). The Story Behind Zamboanga's Colorful Vinta.
Festive Pinoy.com (2026). What is Vinta. https://festivepinoy.com/what-is-vinta/
Institute for Maritime and Ocean Affairs (2025). Beyond 7,107: How Modern Mapping
Reinforces Philippines Sovereignity in the West Philippine Sea. https://imoa.ph/beyond-7107-how-modern-mapping-reinforces-philippine-sovereignty-in-the-west-philippine-sea/



Comments