Ang Tepo ng Tawi-Tawi
- museomaritimo

- 3 days ago
- 2 min read

Mayo 14, 2026 – Pasay City, NCR, Philippines
Ni Akira R. Ariate
Ang tepo ay isang uri ng banig na kilalang produkto sa lugar ng Tawi-Tawi. Ito ay gawa sa dahon na pandan at kadalasang kababaihan ng tribong Sama Badjao ang naghahabi nito. Sa ibang rehiyon ay tinatawag itong baluy, na tulad ng tepo ay parehas matibay at may magandang disenyo ang mga banig na ito.
Madalas na geometric ang hugis at makulay ang inilalagay na disenyo rito. Iba’t ibang mga disenyo na nilalapat dito tulad ng balintung na kombinasyon ng diyamante at zigzag, pinaleko na may mayroong tila malikot at pasikot-sikot na zigzag, palang buras na may malalawak at magkakaugnay na mga parihaba at ang kulay nito ay kulay bahaghari, at basnigan na sinisimbolo ang vinta na mayroong mga katig.
Ginagamit din sa mga mahahalagang okasyon o tradisyon ang tepo gaya sa mga kasal, mga seremonyas sa pagpanaw, pagpapasalamat, at iba pang tradisyon ng kanilang relihiyon. At dahil karamihan sa kanilang tribo ay nakatira o naninirahan sa kanilang bangkang bahay at ang pamumuhay ay nasa dagat, nagagamit din nila ang tepo sa loob ng kanilang tahanan gaya sa pagtulog, pagdarasal o pagsamba, at mga seremonyas o pagdiriwang.
Dahil sa maraming maaaring paggamitan, magagandang disenyo, at kalidad, naging mahalagang bagay ito sa palitan ng kalakal sa arkipelago ng Sulu sa loob ng maraming taon. Gayundin, naging isa rin ito sa mga pinagkakakitaan nila bukod sa paghahanapbuhay sa karagatan.
Tunay na sa bawat rehiyon sa ating bansa ay mayroong mga ipinagmamalaking yaman na nagpapakilala at sumisimbolo ng identidad, kultura, at tradisyon ng mga Pilipino. Ngayong Pambansang Buwan ng Pamana, ating gunitain, pangalagaan, at pahalagahan ang mga pamanang tradisyon at kultura ng ating lahi para sa pagpapatibay ng kolektibong pagkakakilanlan natin bilang mga Pilipino at ito ay magsilbing gabay sa mga susunod na henerasyon sa pagpapanatili at pagpapaunlad ng ating kultura sa hinaharap. Tulad ng isang banig, tayong mga Pilipino ay mag-uugnay at bubuo ng isang matibay at makulay na identidad at kultura na mananatiling buhay at mapagyayabong pa sa hinaharap.
Sanggunian:
Bangsamoro Commission for the Preservation of Cultural Heritage. (2024, May 15). Weaving the Bangsamoro Identity: Tepo of Tawi-Tawi. https://bcpch.bangsamoro.gov.ph/tepo-of-tawi-tawi/
Jaudinez, A., & Joaquin, M. N. (2024). Ethno-Science, Technology, Engineering, and Mathematics (EthnoSTEM) Ideas in the Sama Mat-Weaving. Southeastern Philippines Journal of Research and Development, 29(2), 161–190. https://doi.org/10.53899/spjrd.v29i2.326
Yodisphere. (2022, September 18). Sama (Samal) tribe of the Sulu Archipelago: History, culture and arts. Yodisphere. https://www.yodisphere.com/2022/09/Sama-Tribe-Sulu-Culture.html



Comments