Bacalao: Kilalang Putahe ng Cavite
- museomaritimo

- Apr 21
- 3 min read

April 21, 2026 – Pasay City, NCR, Philippines
Ni Akira R. Ariate
Ngayong Abril ay ipinagdiriwang ang Buwan ng Kalutong Pilipino o Filipino Food Month kung saan layunin nito na pahalagahan, pangalagaan, at itaguyod ang tradisyong kulinarya ng Pilipinas. Sinusuportahan din nito ang ating mga magsasaka, at matiyak na sa ganitong pagdiriwang ay maipasa sa susunod na henerasyon ang kulturang pagkain.
Bilang pagkilala sa Buwan ng Kalutong Pilipino, ako ay nagsaliksik ng pagkaing naging parte ng kultura at kasaysayan ng isa sa mga lugar sa Pilipinas na ating tatalakayin sa artikulong ito.
Kilala ang Pilipinas sa mga magagandang lugar at tanawin nito, lalo na sa mga pagkaing ipinagmamalaki ng bawat rehiyon sa bansa. Sa bawat lugar sa Pilipinas, sari-saring putahe ang maaari mong matikman na kung saan kilala ang kanilang lugar sa pagkaing iyon at nagpapanatili ng kanilang kultura at tradisyon.
Sa mga handaan o normal na salo-salo ng Pamilyang Pilipino sa hapagkainan, madalas tampok dito ang mga kilala ng mga putahe gaya ng adobo, sinigang, tinola, menudo, at afritada at kaldereta na madalas ay hindi natin alam kung anong pinagkaiba ng dalawa. Ngunit, alam n'yo ba na sa Cavite ay mayroong kilalang putahe na bahagi ng kanilang kultura at kasaysayan?
Isa sa mga pagkaing ipinagmamalaki sa Cavite ay ang bacalao, isa itong putahe na ang pangunahing sangkap ay isdang labahita. Parte ito ng kultura at tradisyon ng mga Caviteño dahil iniluluto ito tuwing Semana Santa, partikular tuwing Biyernes Santo para sa pag-aayuno ng mga Katoliko o pag-iwas nilang kumain ng karne tuwing Mahal na Araw.
Ang putaheng bacalao ay impluwensiya ng Kastila sa Cavite. Noong Manila-Acapulco Galleon Trade, ang Cavite ang naging isa sa mga pangunahing daungan ng mga barko ng Kastila. Dala-dala ng mga Espanyol ang kanilang mga produkto, isa na rito ang isdang bakalaw o codfish na pinatuyo at ibinabad sa asin upang maging maalat. Ang bacalao a la vizcaina ay putaheng Kastila na pangunahing sangkap ay bakalaw na pinatuyo at pinaalat. Dinala at ipinakilala rin ito ng mga Kastila sa Cavite na kalaunan ay inako at iniayon ng mga Caviteño sa sarili nilang bersyon. Ayon sa mga eksperto, ang orihinal na bacalao na galing sa mga Kastila ay maalat, habang ang bacalao ng Cavite ay balanse lang ang lasa. At dahil walang bakalaw o codfish sa Pilipinas, labahita ang ginagamit ng mga Caviteño sa pagluto ng putaheng ito.
Makikita sa minanang pagkaing ito ng mga Caviteño ang relasyon nito sa kanilang paniniwalang panrelihiyon dahil sa inihahanda lamang ito tuwing Mahal na Araw, na nakaugat din mula sa impluwensiya ng Kastila na mula sa kanilang pananakop.
Malaki ang naging epekto ng pananakop sa atin ng mga dayuhang Kastila na makikita sa ating kultura, tradisyon, at paniniwala na atin ng tinanggap at isinabuhay. Ating inangkin at iniayon sa kung paano natin ito tinatangkilik at paraan ng pamumuhay. At mula noon hanggang ngayon, patuloy na naipapasa sa bawat henerasyon at nagiging pagkakakilanlan ng bawat lugar.
Sanggunian:
GMA Public Affairs. (2019). Pinas Sarap: Fish dishes tampok ang bacalao at talabobo!. [Video]. YouTube. https://youtu.be/dX10P4ZH6Jo?si=ak4NDvEjTHEGuoRu
Philippine Embassy in Tokyo. (2018, April 23). April is “Buwan ng Kalutong Pilipino” or “Filipino Food Month”. https://tokyo.philembassy.net/april-is-buwan-ng-kalutong-pilipino-or-filipino-food-month/
Ricio, J. C., Lara, B. C., Repiso, J. R., Gueco, I. S. (2021). A Case Study On The Cavite Heritage Cuisine: A Basis For Preservation. International Journal of Thesis Project and Dissertations (IJTPD), Research Publish Journals. Vol. 9, Issue 2, pp: (98-110). https://www.researchpublish.com/papers/a-case-study-on-the-selected-cavite-heritage-cuisine-a-basis-for-preservation



Comments